Bukas ang Malakaniyang sa panukalang paglalaan ng 10 bilyong Piso ng Kamara na magsisilbing supplemental budget para sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, natutuwa sila sa inisyatiba ng mga mambabatas para sa pagbangon ng Marawi City at nagkausap na sila ni House Appropriation Committee Chairman Carlo Nograles hinggil dito.
Nakasaad sa House Bill 5874 o ang Tindig Marawi Bill, hahatiin sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Defense Department, Public Works and Highways, Social Welfare And development at National Housing Authority na siyang mangunguna sa rehabilitasyon.
Saklaw din nito ang humanitarian assistance para sa mga apektadong residente, rehabilitasyon sa mga nasirang imprastraktura at ari-arian gayundin ang pagbabalik ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping