Muling isinulong sa Kamara ni Lanao Del Sur Representative Ansaruddin Abdul Malik Alonto Adiong ang panukala para sa reparation sa mga biktima ng Marawi siege noong 2017.
Nakasaad sa House Bill 3418 o Marawi Compensation Act na mabigyan ng kabayaran ang mga indibidwal at negosyo na naapektuhan ng giyera.
Kapag naging batas ang panukala ni Adiong, magkakaruon ng standards para sa compensation ng may ari ng mga bahay at negosyo na nasira ng limang buwang giyera maging ito ay partial o fully damaged.
Bahagi rin ng nasabing panukala ni Adiong ang pagbuo ng local board na mangangasiwa ng screening at pagbabayad sa mga biktima.
50 bilyong piso ang ipinalalaan ni Adiong para sa reparation na hahatiin sa tatlong bahagi kung saan ang unang bahagi na sampung bilyong piso ay magmumula sa General Appropriations Act samantalang ang ikalawa at ikatlong bahagi na tig 20 billion pesos ay manggagaling sa PCSO at PAGCOR.
Sinabi ni Adiong na moral obligation ng gobyerno ang magbigay ng kongretong solusyon sa mga kinakaharap na problema ng mga apektado ng giyera.