Umapela si Senate President Vicente Sotto III sa mga kapwa senador na kaagad aprubahan ang panukalang batas hinggil sa mandatory registration ng prepaid sim cards.
Kasunod na rin ito nang paglalatag sa plenaryo ng Senate Bill number 2395 o panukalang Sim Card Registration Act na ayon sa may akda nitong senate committee on public services chair Grace Poe ay mag-o-obliga sa mga telecommunications company at kanilang resellers na kunin ang impormasyon nang bibili ng sim cards.
Binigyang-diin ni Sotto na ang registration ng prepaid sim card ay para na rin sa kaligtasan ng publiko at ng bansa mula sa mga krimen at terorismo.
Tinukoy ni Sotto ang reports na nagamit na ang cellular phones na mayroong unregistered sim card sa pagpapasabog ng mga bomba, sa kidnapping at laganap na financial fraud o scam.
Sinabi ni Sotto na batay sa datos ng DICT, nasa 129.6M ang prepaid mobile phone subscribers sa bansa noong 2018 habang nasa mahigit 5M naman ang postpaid subscribers.—mula sa ulat ni Patrol 19, Cely Bueno