Nais munang pag-aralang mabuti ng Energy Regulatory Commission o ERC ang panukala ng Manila Electric Company (Meralco) na palitan ng smart meters ang mga kasalukuyang metro na ginagamit ng kanilang konsyumer.
Paliwanag ni ERC Spokesperson Rexie Baldo-Digal, sa oras na palitan ang mga metro ng smart meters, may kaakibat itong dagdag singil sa kuryente.
Sampung bilyong piso aniya ang halaga ng naturang proyekto kung saan katumbas nito ang dagdag singil na dalawampu’t tatlong sentimos (P0.23) kada kilowatt hour.
Gayunman, sinabi ng Meralco na marami naman ang benepisyo ng paggamit ng smart meters.
Bukod umano sa savings, puwede ring mabantayan at kontrolin ng customer ang gamit ng kuryente sa smart meters.
Samantala, hiniling naman ng grupong Laban Konsyumer na huwag munang ituloy ang naturang proyekto maliban na lamang kung titiyakin na hindi maipapasa sa mga konsyumer ang gastos dito.
—-