Nangangamba ang grupong Courage na mas maraming kawani ng gobyerno ang mapipilitang magbayad ng buwis.
Ito’y sa sandaling tuluyan nang maipasa ang panukalang Salary Standardization Law (SSL) na naglalayong taasan ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno.
Sa panayam ng DWIZ kay Ferdinand Gaite, Pangulo ng Courage, maituturing na impraktikal ang nasabing panukala sa kasalukuyang panahon.
Kung itataas ang sahod, dapat ding isabay ang pagbabawas sa ipinapataw na buwis upang mas maramdaman ito ng mga manggagawa.
“Kung itataas ng 11,000 ang tantiya namin mas liliit yung bilang ng mga empleyado kung salary grade ang pagbabatayan na maco-cover ng tax exemption so baka mga salary grade 1 and 2 na lang ang exempted hindi gaya ngayon na hanggang salary grade 5, although tulad ng nabanggit iba-ibang application depende sa rehiyon.” Ani Gaite.
Bagama’t nagpapasalamat sila sa naging hakbang na ito ng administrasyon, sinabi ni Gaite na mas mainam pa rin kung isusulong ang national minimum wage na P16,000 sa lahat ng manggagawa mapa-pribado man o pampubliko.
“So ang tingin namin dito although we appreciate na merong recognition na kailangang itaas ang sahod pero itong instance na ito it is a matter of too little, too late and too prolonged.” Pahayag ni Gaite.
By Jaymark Dagala | Karambola