Lusot na sa House Committee on Health ang panukalang stockpiling ng mga bakuna tulad ng para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at iba pang critical drugs at medical supplies.
Nakasaad sa ilalim ng House Bill 6995 ang pagbuo ng Department of Health (DOH) ng health procurement and stockpiling bureau na titiyak sa stockpiling, conservation at mamamahala sa access at paglalabas ng sapat na bilang ng bakuna, medical devices at iba pang kagamitang kakailanganin tuwing may public health emergency.
Ang supply para sa mga kakailanganing bakuna, medical devices at supplies ay kukunin sa local sources.
Lilikha rin ang doh ng stockpiling fund kung saan maaaring mag solicit ng donasyon at magsagawa ng fund raising activities at ang proceeds o makokolektang pondo rito ay ili-libre sa pagbabayad ng income tax, donor’s tax at iba pang uri ng buwis.
Sinabi ni House Committee on Health Chair Angelina Tan, may akda ng panukala na mahalagang mapaigting ang paghahanda sa anumang pandemya at natural disasters.
Tinukoy ni Tan na ang COVID-19 pandemic ay naka apekto sa produksyon at distribusyon ng pharmaceuticals at medical devices sa buong mundo.
Bukod dito nabitin din ang supply ng raw materials, active pharmaceutical ingredients, excipients, packaging materials at finished medical products na makakatulong sana kaagad sa paglaban sa COVID-19 at iba pang sakit