Ipinauubaya na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamahalaan ng Estados Unidos ang pagpapasya kung nais na nitong putulin ang ibinibigay nitong suporta sa mga sundalo at pulis sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ng AFP kasunod ng ulat na mayroong 24 na kongresista ng US ang pabor na itigil na pansamantala ang kanilang pagbibigay ng security assistance dahil na rin sa ‘di umano’y paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay AFP Spokesman Marine Maj/Gen. Edgard Arevalo, bagama’t wala namang problema sa kanila ang nasabing hakbang at iginagalang din aniya nila ito.
Gayunman depensa ni Arevalo, sumusunod aniya ang mga sundalo sa bill of rights na naka-ugat na sa saligang batas ng Pilipinas at wala itong naitatalang anumang kaso ng pang-aabuso.
Hamon pa ng AFP sa mga miyembro ng US Congress na patunayan ang kanilang mga ipinaparatang lalo’t hindi patas para sa kanilang hanay ang pinakalawang alegasyon ng mga nasabing mambabatas.