Tiniyak ng chairman ng House Committee on Ways and Means na pag-aaralan nitong maigi ang mga panukala ng makabayan bloc na layuning tanggalin ang value added tax sa ilang utilities sa kondisyon na itataas ang franchise taxes sa gitna ng patuloy na pagsipa ng inflation.
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, chairman ng naturang kumite, seryosong tututukan ang mga panukala basta’t hindi mababawasan ang koleksyon ng gobyerno dahil ang kinikita mula sa buwis ay gagamitin sa social programs.
Publiko anya ang nakikinabang sa pamamagitan ng edukasyon, kalusugan at imprastraktura, lalo sa kanayunan tuwing gumagastos ang gobyerno.
Ipinunto pa ng kongresista na maaaring gayahin ang sistema sa water concessionaires, kung saan tinanggal ang 12% vat sa consumer bill pero itinaas ang franchise taxes ng mga nasabing kumpanya kaya napigilan ang posibleng decrease bunsod ng vat exemption.
Siniguro naman ng mamababatas na hindi papasanin ng mga consumer ang franchise tax dahil ipinagbabawal ito alinsunod sa national internal revenue code.
Kabilang sa inihain ng Makabayan bloc ang House Bill 59954 na layuning alisin ang vat sa system loss charge component sa electric bills at House Bill 5995 na magtatanggal naman sa vat sa generation, transmission at distribution charge sa kuryente.