Ikinadismaya ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagtanggi ng senate committee on finance sa kanilang panukala na tapyasan ang anti-insurgency fund maging ang confidential at intelligence funds sa 2021 budget para magamit na dagdag na pantugon sa kalamidad at coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Drilon, higit na kailangan ng pondo sa mga sinalanta ng kalamidad at pangtugon sa pandemya.
Nasa P14-bilyon anya ang kailangan para muling makabangon ang mga sinalanta ng Bagyong Rolly, habang sinabi ng Health Department na P30-bilyon ang kailangan para mabakunahan kontra COVID-19 ang 60% ng ating populasyon.
Ito ang rason kung bakit pinatatapyasan ni Drilon ang P19-bilyon na inilaang budget sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa 2021.
Gayundin ang P9.5-bilyon na panukalang confidential and intelligence funds ng Malacañang at ilang ahensya ng gobyerno.
Umaasa pa din si Drilon na makukumbinsi ang mga kapwa senador sa kanyang rekomendasyon kapag tinalakay na sa plenaryo ang 2021 budget. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)