Niratipikahan na kapwa ng Senado at Kamara ang bicameral conference committee report kaugnay sa panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Isang araw ito bago ang holiday break ng mga mambabatas.
Sa ilalim ng nasabing panukala, bababa ang income tax ng wage earners subalit tataas ang excise tax na ipinapataw sa mga goods at services.
Nagkasundo rin ang mga miyembro ng bicameral conference committee na taasan ang tax exemption cap ng 13th month pay at iba pang bonus ng hanggang P90,000.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chair Dakila Cua, ang 32.50 na excise tax na ipapataw sa kada pakete ng sigarilyo ay epektibo na simula January 1 hanggang June 30, 2018.
Magiging 35 pesos naman ito pagsapit ng July 1, 2018 hanggang December 31, 2019.
Ang excise tax naman na ipapataw sa oil products ay P7 kada litro sa gasoline, P4 kada litro sa AV gas, P3 sa bawat litro ng kerosene at P2.50 sa bawat litro ng LPG.
Samantala, ang cosmetic procedures ay may excise tax na limang porsyento.
Una nang inihayag ni Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na kapag na-ratify ang tax reform bill uubra na itong malagdaan ang Pangulong Rodrigo Duterte sa December 19 kasabay nang paglagda sa panukalang 2018 General Appropriations Act.
—-