Nanawagan si Ako Bicol Party-List Representative Alfredo Garbin sa pamunuan ng Department of Finance o DOF na huwag nang isulong pa ang panukalang 12% Value Added Tax o VAT sa mga remittances ng mga OFW o Overseas Filipino Worker.
Sa panayam nina Jun del Rosario at Mariboy Ysibido ng programang Balita Na Serbisyo Pa ng DWIZ, sinabi ni Garbin na ang mga OFW ay nangingibang-bayan para may ipangtustus sa kani-kanilang pamilya at malaki ang naibibigay na kontribusyon ng mga OFW sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Binigyan-diin pa ni Garbin na hindi nila papayagan ang naturang panukala dahil anya nagsasakripisyo ang mga OFW sa ibang bansa at hindi dapat ang pagpapataw ng buwis ang isukli sa mga ito.
“Yung mga OFW iniwan na nga yung pamilya and it has social cost on their famiy dahil wala sila sa piling ng kanilang mga anak tapos ito pa ang isusukli ng Department of Finance”
Gayunman, payag aniya siya na maghanap ang DOF ng mapagkukunan ng tax dahil ito ay makakatulong sa gobyerno upang maipatupad ang mga iba’t ibang programa.
Ngunit, hindi umano tama na matamaan ang mga maliliit na Pilipino sa pagpataw ng buwis tulad ng excise tax sa produkto ng petrolyo, kung saan masasagasaan naman ang maliit na kita ng mga tsuper.
Dagdag pa aniya, dapat linawin ng DOF kung saan ipapataw ang naturang tax dahil tutumbukin nito ang mga OFW kung sa mismong remittances ito ipapataw.
“Sana naman ma-clarify ito kung saan talaga ipapataw but when you speak of remittances talagang tumbok nyan yung remittances ng ating mga OFW’s”
Aniya, ang dapat patawan ng buwis ay ang mga matataas kumita o mas may kayang magbayad ng malaki at hindi ang mga kababayan nating limitado lamang ang kita.
“Ang sinasabi natin dyan huwag naman ipataw to sa mga kababayan natin lalong-lalo na yung limitado lang naman yung income
Kaya nga inuulit-ulit ko to palagi sana sundin nila yung equity, vertical equity criterion na kung saan kung sino yung mataas kumita, those who have the greater ability to pay must have a tax with higher burden”
By Race Perez