Isinusulong sa kamara ang panukalang batas na layong tulungan ang mga maliit na negosyo online.
Sa ilalim ng House Bill 7698 o online small enterprise support services act of 2020, ay pahihintulutan ang small online businesses na makapag-loan, mabigyan ng grants, registration assistance at training, katuwang ang Technical Education and Skill Development Authority (TESDA) upang matulungan na mapalago ang negosyo.
Target dito ang mga online business na may annual sales na mas mababa sa P1-milyon.
Inaasahan ding makatutulong ito para mahimok na magparehistro ang mga online business at maiwasan ang anomang government penalty.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, naghain ng nasabing panukala, maraming nagsulputang online business sa gitna ng pandemya, ngunit sa halip na pabigatan pa ang mga ito ay bigyan na tamang benepisyo at insentibo kapalit ang pagpaparehistro at pagbabayad ng tamang buwis.