Ipinauubaya na ng Malacañang sa Kongreso ang tuluyang pagbuwag sa National Food Authority o NFA.
Ayon kay NFA Council Chairman at Cabinet Secretary Leoncio Evasco, nakahain na at pinag-uusapan na sa Kongreso ang panukala ng Department of Finance (DOF) na magbibigay daan para mapawalang saysay ang NFA.
Sa panukala ng DOF, hahayaan na ng pamahalaan ang mga private rice traders na direktang makapag-import ng bigas nang hindi na dumadaan sa NFA.
Sa ganitong sitwasyon ay magmumukha aniyang inutil at walang saysay ang NFA na posibleng mauwi sa tuluyang pagbuwag sa naturang tanggapan.
NFA Administrator
Samantala, tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang maaaring sumibak sa puwesto kay NFA Admnistrator Jason Aquino.
Kasunod ito ng panawagang magbitiw na sa puwesto si Aquino dahil sa kakulangan ng suplay ng NFA rice.
Ayon kay NFA Council Chairman at Cabinet Secretary Leoncio Evasco, tanging rekomendasyon lamang ang maaaring isumite ng NFA Council hinggil sa mga panawagang sibakin si Aquino.
Una na aniyang inatasan ni Pangulong Duterte si Aquino na huwag nang magsalita ukol sa suplay ng bigas bagkus ipaubaya na lamang sa NFA Council upang maiwasan na magkaroon ng kalituhan ang publiko sa lumalabas na impormasyon ukol sa bigas.
—-