Inaasahang malalagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang panukalang batas na tutugon o sasalo sa problema ng mga magsasaka sa mga lalawigan.
Ayon kay Senator Cynthia Villar, kung malalagdaan ni Pangulong Marcos ang New Agrarian Emancipation Act., mawawala ang utang ng mahigit 6,000 Agrarian Reform Beneficiaries.
Nabatid na aabot sa P57.5 –B ang kabuuang halaga ng utang ng Arb’s na may 1.2 million ektaryang lupaing pangsakahan.
Matatandaang nakapasa na sa kongreso ang naturang panukala at ngayon ay hinihintay na lamang na malagdaan ng Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng panukala, isinusulong na alisin na o hindi na singilin ng interes sa utang ang mga beneficiaries mula sa ibinigay na agricultural lands sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Ipinababasura rin sa Department of Agrarian Reform ang lahat ng kaso ng mga benepisyaryo makaraang hindi makapagbayad sa kanilang utang.
Bukod pa dito, hindi rin pagbabayarin ng estate tax ang mga benepisyaryong magsasaka at ipagbabawal din na ibenta o ilipat ang lupa sa loob ng 20 taon maliban na lamang kung ibibigay ito sa land bank o gagawing pamana sa iba pang kwalipikadong benepisyaryo.