Naglabas na ang Korte Suprema ng mga panuntunan sa tamang paggamit ng body cameras ng mga pulis tuwing magsisilbi ng search at arrest warrant.
Kabilang sa mga panuntunan ay dapat na nakabukas na ang video at audio recording ng body camera ng mga pulis sa oras na dumating na ang mga ito sa lugar kung saan isasagawa ang operasyon.
Maaari ding gumamit ang mga pulis ng alternatibong recording device sakaling magkaroon ng problema sa kanilang suot na body camera.
Kinakailangan lang umano nilang maghain ng mosyon sa korte para ipaliwanag kung bakit nila ito kinailangan gawin.
Nakasaad din sa resolusyon ang limitasyon sa paggamit ng body camera.
Ayon sa Korte Suprema, sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga pulis ng body camera, inaasahang mapapangalagaan ang karapatan ng mga target ng operasyon at maging ng mga awtoridad.
Magugunitang nagkaroon ng kontrobersya sa mga isinasagawang operasyon ng mga pulis dahil sa mga insident kung saan may nasasawi sa pagsisilbi ng mga awtoridad ng warrant.