Walang nakikitang problema ang COMELEC sa inagurasyon ng mga nanalong kandidato sa 2022 elections bago pa man mag-Hunyo.
Ito’y kahit sa Hunyo a – 30 pa dapat opisyal na mauupo sa posisyon ang nanalong presidente at bise presidente alinsunod sa 1987 constitution.
Tugon ito ni Comelec commissioner George Garcia sa gitna ng plano ni presumptive vice president at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na mag-Oath taking sa June 19, sa kanilang lungsod.
Ayon kay Garcia, mag-o-oath taking lang naman si Duterte – Carpio at sa Hunyo a – 30 pa opisyal na uupo bilang halal na bise presidente na nakasaad sa batas.
Hindi naman anya malalabag ang nakasaad sa Article 7, Section 4 ng saligang batas dahil wala namang binabanggit dito kung dapat bang isabay ang Oath taking sa opisyal na pag-upo ng nanalong pangulo at pangalawang-pangulo.
Inihalimbawa pa ng Poll official ang panunumpa nina dating US President Barrack Obama at Donald Trump na nanumpa kahit hindi pa opisyal na umuupo at parehas din naman ang probisyon ng kanilang konstitusyon sa saligang batas ng Pilipinas.
Una nang ipinaliwanag ng presidential daughter na nais niyang mauna sa panunumpa para makadalo sa inagurasyon ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.