Dahil sa patuloy na pagtanggi na magpaturok ng COVID-19 vaccine ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta, hindi na dapat itong payagan ng Malakanyang at Department of Justice (DOJ) na makapasok sa trabaho.
Ito ang panawagan ni senate minority leader Franklin Drilon makaraang aminin mismo ni Acosta na hindi siya bakunado kahit mandatory ang vaccination sa mga on-site government employee.
Ayon kay Drilon, sampal sa ipinatutupad na patakaran laban sa mga unvaccinated at nakapagpapahina sa vaccination program drive ng gobyerno ang pagtanggi ng hepe ng PAO na magpabakuna.
Inilalagay anya sa alanganin ni Acosta ang buhay, kalusugan at kaligtasan ng kanyang mga kasamahan sa trabaho kaya’t dapat may gawing aksyon ang palasyo at DOJ.
Nangangamba ang senador na maakusahan ng double standards ang gobyerno kung papayagan si Acosta na magtrabaho habang hinihigpitang makalabas at makagamit ng public transportation ang mga unvaccinated.
Ipinunto ng mambabatas na kung seryoso ang gobyerno sa ‘No Vax, No Ride’ at stay at home policy, dapat itong i-apply sa kahit na sino. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)