Duda si PAO Chief Atty. Percida Rueda-Acosta na mababayaran ng Pulis Caloocan ang P2-M danyos na ipinataw ng korte matapos mapatunayang guilty sa pag torture at pagpatay sa dalawang teenagers.
Si PO1 Jefrey Perez ay hinatulang guilty ng dalawang hiwalay na bilang nang pag torture kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo Kulot De Guzman at pagtatanim ng sachet ng marijuana, shabu at revolver para palabasing umalma sa pag aresto si Arnaiz.
Sinabi ni Acosta na hindi mababayaran ni Perez ang danyos dahil wala itong trabaho subalit natutuwa na rin ang mga pamilya sa naging hatol ng korte sa kaso.
Dapat aniyang magsilbing babala sa mga pulis at iba pang otoridad ang nasabing kaso laban sa paggamit ng sobrang puwersa sa mga sibilyan.
Bukod sa habambuhay na pagkabilanggo, si perez ay pinagbabayad din ng P2-M sa kada pamilya nina Arnaiz at De Guzman bukod pa sa kumpensasyong dapat makuha ng mga biktima sa ilalim ng batas na nagtatag sa Board of Claims para sa mga biktima ng Unjust Imprisonment o Detention at maging violent crimes.