Tumangging mag-komento si Public Attorney’s Office o PAO Chief Persida Acosta hinggil sa inilabas na draft report ng House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Health sa isyu ng Dengvaxia.
Ito ay matapos na i-abswelto ng dalawang komite sa House of Representatives si dating Pangulong Noynoy Aquino sa kontrobersyal na dengue vaccination program ng pamahalaan noong 2016 gamit ang Dengvaxia.
Ayon kay Acosta, hindi pinal ang nasabing report at malaki pa ang posibilidad na magbago pa ang lalamanin nito lalo’t magpapalit pa aniya ng chairmanship sa mga committee sa Kamara de Representantes.
“Ang punto diyan ang Committee on Health and Appropriations ay hindi kami halos napagsalita noong nakaraan eh, parang nagmamadali nung ako’y nagsasalita, pinabibigay pa nga sa akin ang ebidensya sa DOH eh ang DOH ang nasasakdalang sabi ko po eh may conflict of interest, maaaring ma-reopen pa ang kasong ‘yan, draft pa lang ‘yan kaya mahirap pong magsabi kung tama o mali ‘yan.” Ani Acosta
Iginiit naman ni Acosta na kinakailangang magpaliwanag ni Aquino sa inaprubahan nitong pondo para sa pagbili ng Dengvaxia vaccine sa kabila ng naging pahayag ng Sanofi Pasteurs hinggil sa mga side effects nito.
“Kung ang pag-uusapan ay medical aspects ay wala siyang alam, pero sap era doon siya dapat magpaliwanag, wala po palang pondo ng Kongreso ‘yan eh, bakit ka nag-realign nung 2015?” Pahayag ni Acosta
(Ratsada Balita Interview)