Kakatawanin ng Public Attorney’s Office o PAO ang mga pamilyang posibleng maghahain ng reklamo laban sa mga opisyal ng pamahalaan na may kinalaman sa dengue vaccination program.
Batay ito sa ipinalabas na Department Order No. 792 ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Tiniyak naman ni PAO Chief Persida Rueda Acosta na nakahanda silang magbigay ng libreng legal assistance sa pamilya ng mga nababahalang pamilya ng mga batang naturukan ng dengvaxia.
Pormal ding iniharap ng PAO kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang mga magulang ng batang nasawi dahil sa severe dengue matapos mabakunahan ng dengvaxia.
Sa pagsasalaysay ni Ginoong Nelson De Guzman, ama ng nasawing onse (11) anyos na batang si Cristine Mae, nakaranas ang kanyang anak ng pananakit ng ulo at tiyan, anim na buwan matapos mabakunahan ng dengvaxia.
Batay sa pagsusuri ng mga doktor mula sa Balanga Provincial Hospital, nagpositibo si Cristine Mae sa severe dengue.