Nakitaan ng Public Attorney’s Office (PAO) ng ‘pattern’ sa kanilang pagkasawi ang apat (4) na batang isinailalim nila sa otopsiya na nabakunahan ng kontroberysal na dengvaxia vaccine.
Ayon kay Dr. Erwin Erfe, direktor ng PAO Forensic Laboratory, lumalabas sa resulta ng kanilang pagsusuri na nagtamo ang mga bata ng internal bleeding, paglaki ng internal organs, at nasawi ang mga ito sa loob ng anim (6) na buwan matapos matanggap ang nasabing bakuna.
Binanggit din ni Dr. Erfe ang ‘rapid progression’ ng sakit gaya ng kaso ng isang 11-anyos na bata na nasawi sa loob ng 24 oras noong Disyembre matapos makitaan ng mga unang sintomas ng dengue.
Sa ngayon ay nasa apat na bangkay na ng mga bata ang na–examine ng PAO at tatlo (3) pa ang nakatakdang isailalim sa otopsiya batay na din sa kahilingan ng magulang ng mga ito.
Petisyon vs ‘dengvaxia mess’ tinalakay na sa En Banc Session
Tinalakay na ng Korte Suprema sa kanilang En Banc Session ang mga petisyon na may kaugnayan sa kontrobersyal na dengvaxia vaccine.
Magugunitang inihain ang petisyon ng pitongdaang (700) magulang ng mga batang tinurukan ng nasabing dengue vaccine.
Ayon sa source ng DWIZ, kabilang sa tinalakay ng mga mahistrado ang pagsalang sa oral arguments at consolidation ng magkahiwalay na petisyon mula sa tinaguriang ‘Magic Seven Opposition Congressmen’ at ng mga human rights lawyer, militant lawmaker at progresibong organisasyon.
Samantala, si Associate Justice Marvic Leonen naman ang naatasang sumulat ng desisyon para sa petisyon kaugnay sa dengvaxia.