Isinusulong ni Presidential son at House Deputy Speaker Paolo Duterte at dalawa pang kongresista ang pagpapalit ng pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Binigyang diin nina Duterte at Cong. Eric Yap at Lord Allan Velasco na kailangang magkaroon ng higit na representative branding para sa international airport ng bansa kaya’t dapat na itong taguriang “Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas”.
Bukod sa pagbanggit sa pangalan ng bansa, sinabi ni Duterte na ang isinusulong nilang tawag na sa NAIA ay pambansang lengguwahe rin ng Pilipinas.
Nais aniya nilang maipakita sa ipapalit na pangalan sa NAIA ang pamana ng mga Pilipino na siyang mga bayani araw-araw at wala itong kulay o anumang political agenda.
Sinabi naman ni Velasco na ang hakbang nila ay pagpoposisyon muli sa Pilipinas bilang piling destinasyon para sa mga turista lalo na kapag binuksan na muli ng bansa ang borders nito para sa mga nagbi-biyahe sakaling matapos na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.
Inihayag naman ni Yap na mararamdaman kaagad ng mga Pilipino na sila’y nasa kanilang tahanan na kapag nakita pa lamang ang pangalan ng bansa sa pagbaba nila sa paliparan.
Ang orihinal na pangalan ng airport ay Manila International Airport, subalit taong 1987, sa administrasyon ng dating Pangulong Corazon Aquino, ay pinalitan ang pangalan nito bilang NAIA sa pamamagitan ng Republic Act 6639 bilang pagpupugay sa dating senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr.