Hindi magandang ideya na mailuklok bilang susunod na House Speaker si Congressman-elect Paolo Duterte dahil pangulo ng bansa ang kaniyang ama.
Ayon ito kay Congressman Danilo Suarez matapos ihayag ni Congressman Pantaleon Alvarez na iaatras niya ang kaniyang speakership bid para sa batang Duterte.
Sinabi ni Suarez na hindi niya personal na kakilala si Paolo bagama’t narinig niyang magaling na vice mayor ito ng Davao City.
Marami aniyang magtataas ng kilay at posibleng hindi matanggap ng tao na ang Speaker of the House ay anak ng pangulo ng bansa.
Tutol naman dito si Alvarez at nagsabing sa pananaw niya ay walang magiging problema kung sakaling maging House Speaker ang Presidential son na dapat lamang aniyang bigyan ng pagkakataong mapatunayan ang kaniyang sarili.
Wala pa namang opisyal na pahayag si Paolo kung lalabang House Speaker, bagama’t inimbitahan ito ng Party-list Coalition Foundation Incorporated bilang isa sa mga nais maging House Speaker para makausap.
—–