Itinanggi ni Presidential son Paolo “Pulong” Duterte ang alegasyon na isa siya sa mga “principal” ng isang drug syndicate na tumatanggap ng milyun-milyong pisong kickback sa illegal drug trade.
Sa isang Facebook post, binakbakan ni Duterte ang isang “JS” na sinasabing nasa likod ng kumakalat na video sa social media na pinamagatang “ang totoong narco-list: episode 1” na nagdedetalye ng kanya umanong pagkakasangkot sa drug syndicate.
Imbento lamang aniya ang mga alegasyon dahil galit si “J.S.” kay Waldo Carpio, kapatid ng kanyang bayaw na si Atty. Manases Carpio dahil binabara nito ang lahat ng smuggling activities na kinasasangkutan ni “J.S.”
Sa anim na minutong video na ini-upload sa YouTube at mga social media site gaya ng Facebook, isiniwalat ng isang alyas bikoy na tumatanggap si “Pulong” ng “tara” o kickback na idinedeposito sa bank account ng isa umanong drug lords sa pamamagitan ng kanilang code names.
Kabilang sa listahan ang code name na “POLODELTA-TSG01” at “ALPHA TIERRA-0029” na initial umano ni Paolo Duterte.
Isiniwalat din sa video na ang bank accounts ay pag-aari umano ni Waldo na mag-tatransfer ng pera sa isang international bank na nakapangalan sa panganay ni Pangulong Rodrigo Duterte na si dating Davao City Vice Mayor Pulong.
Albayalde duda sa video na nagdadawit umano kay Presidential Son Paolo Duterte sa illegal drugs
Duda si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde sa kumakalat na video sa internet at mga social media site na nagdadawit umano kay Presidential son Paolo “Pulong” Duterte sa illegal drugs trade.
Ayon kay Albayalde, hindi dapat basta maniwala ang mga netizen sa mga kumakalat na video sa social media dahil maaaring may sariling agenda ang sinumang nagpakalat nito.
Posibleng ginagamit lamang din anyang propaganda ng ilang grupong may kanya-kanyang interes ang video lalo ngayong election season.
Nilinaw naman ni Albayalde na hindi basta mag-iimbestiga ang PNP hangga’t wala silang nakikitang solidong ebidensya, testigo at dokumento bilang patunay na “authentic” ang video.
May ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)