Nanindigan si dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na hindi niya ipapakita ang kanyang tattoo.
Una nang tinukoy ni Senador Antonio Trillanes IV sa pagdinig ng Senado na mayroong malaking dragon na naka-tattoo sa likod ang nakababatang Duterte na patunay na miyembro siya ng sindikato ng iligal na droga.
Ayon kay Paolo, dapat na magpagawa ng sariling tattoo ang mga gigil na makita ang kanyang tattoo.
Aniya, ilang taon ang kanyang tiniiis, gastos, sakit at pawis para sa kanyang marka para lamang gawing pulutan ng kanyang mga kritiko.
Sa kabila nito, game na game naman si senatorial bet Christopher ‘Bong’ Go na ipinakita ang kanyang likod para pabulaanan ang mga akusasyon na mayroon siyang tattoo dito.
Sinabi ni Go, na ngayong pinatunayan niya na wala siyang tattoo, umaasa siyang ito na ang katapusan ng pagkakasangkot niya sa drug triad.
Magugunitang lumabas sa video mula sa isang alyas Bikoy na nanggaling daw sa droga ang perang ginagamit ni Go sa kampanya lalo na’t napakaliit ng idineklara niya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
—-