Limitado lamang ang magiging papel ng mga sundalo sa giyera kontra droga ng Duterte administration.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año, bubuo lamang ang AFP ng task forces at haharap lamang ang mga ito sa mga armadong sindikato ng droga.
Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments National Defense Committee, sinabi ni Año na magbibigay lamang ang AFP ng mga tropa bilang suporta sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na naatasang manguna sa giyera kontra droga.
Isang executive order aniya ang iminumungkahi para sa pagbuo ng anti-drug agency committee na mangangasiwa sa anti-drug task force kung saan puwedeng lumahok ang mga sundalo.
Sa pamamagitan ng EO, puwedeng isalang sa retraining ang mga sundalo na lalahok sa anti-illegal drugs operations.
Sa kabila ng kanyang mga paliwanag, sinabi ni Año na wala pa silang natatanggap na pormal na utos mula sa Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa paggamit ng mga sundalo sa giyera kontra droga.
By Len Aguirre