Sesentro lang sa cold chain storage at logistics ang papel ng militar sa pagsisimula ng pamamahagi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine sa bansa.
Nilinaw ito ng Department of Health (DOH) sa gitna ng mga negosasyon ng gobyerno sa vaccine developers para magkaroon ng suplay ang Pilipinas sa susunod na taon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinulong na ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang technical groups kaugnay sa bakuna at naglatag ng mga mapa ang militar na mayroon ding cold storage na nasa 2°C to 8°C na maaaring magamit ng DOH.
Magagamit din aniya ang militar pag nangailangan ng dagdag tao na maaaring sanayin para sa logistics at warehousing.
Bukod sa mga pasilidad, sinabi ni Vergeire na nagpresenta rin ang militar na i-deploy ang mga tauhan mula sa Human Resources for Health para tumulong sa magiging distribusyon ng bakuna.
Binigyang diin ng experts na mahalaga ang cold chain storage upang matiyak na mananatiling epektibo ang mga bakuna hanggang maiturok ito sa mga tao.