Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na gawin nang “paperless” ang lahat ng transaksyon sa kanilang mga tanggapan.
Ayon kay Senior Deputy Majority Leader at Cavite Rep. Crispin “Boying” Remulla, layon nitong mabawasan ang gastusin ng Kamara sa papel at sa halip gawin na lamang digital ang proseso ng kanilang mga transaksyon.
Aniya, aabot sa mahigit 9 na milyong piso kada taon ang ginagastos ng Kamara para lamang sa papel kaya’t kaniyang isinusulong na gawin na lamang ang mga transaksyon sa pamamagitan ng tablet.
Sa ganitong paraan aniya, aabot lamang sa 6 na milyong piso ang gagastusin kung bibili na lamang sila ng tablet para sa 300 mambabatas na nagkakahalaga ng 20,000 piso ang bawat isa.
Sakaling maaprubahan, target ng Kamara na mabawasan o di kaya’y maalis na ng tuluyan ang paggamit ng papel pagsapit ng Disyembre ng taong kasalukuyan.