Ini-alok na ng San Miguel Global Power (SMGP) sa Meralco ang paggamit sa kanilang Ilijan Power Plant sa mas mababang halaga upang mapanatiling mura ang singil sa kuryente at matiyak na stable ang power supply.
Kinumpirma ni San Miguel Corporation (SMC) president Ramon Ang na ibinaba na sa P1.00 kada kilowatt hour ang alok ng kanilang power unit na SMGP bilang capital recovery fee upang gamitin ang 1,200 megawatt capacity ng planta.
Nangangahulugan ito na kung gagamitin ang planta, kung saan nagmumula ang 10% hanggang 12% power capacity para sa Luzon, maaaring matapyasan paunti-unti ang power supply costs kumpara sa umiiral na gastos sa coal power generation.
Tinalakay na anya ang nasabing issue ng kanilang subsidiary na South Premiere Power Corporation sa Meralco.
Tiniyak naman ni Ang na kanilang ipinagpapatuloy ang paghahanap ng mga paraan upang mabawasan ang pasanin ng consumers sa gitna na krisis bunsod ng patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo sa international market.
Kasalukuyang nasa ilalim ng extended outage ang Ilijan Power Facility sa Batangas na sinusuplayan ng natural gas mula sa MALAMPAYA hanggang nitong Hunyo matapos magtapos ang Original Gas Supply Agreement sa planta.
Samantala, nag-alok din ang SMC na tumulong sa paghahanap ng krudo para sa Ilijan Facility, na babayaran ng MERALCO.