Susuriin ng Department of Education (DepEd) ang paraan ng pagtuturo ng ating kasaysayan sa mga paaralan sa bansa.
Ayon kay Undersecretary Tonicito Umali, Spokesman ng DepEd, kumikilos na ang kagawaran upang sundin ang mga direktiba ng Pangulong Benigno Aquino III.
Matatandaan na pinuna ng Pangulo ang DepEd makaraang mapag-alaman na may mga estudyanteng nagtatanong kung bakit nakaupo lamang ang bayaning si Apolinario Mabini sa kabuuan ng pelikulang Heneral Luna.
Binigyang diin ni Umali na isang malaking hamon ngayon sa DepEd kung paano matitiyak na ang mga itinuro sa mga estudyante sa elementarya hanggang sekondarya ay titimo sa isip ng bawat estudyante.
“We call that teaching technique, iba teaching pedagogy, dapat maunawaan din ng ating mga tagapakinig na ang mga bata ang kakayanan ay iba-iba, alam po namin ‘yan at may mga mabisang pamamaraan para maituro ang isang leksyon para mas matagal na mailagay ito sa isipan at maunawaan at matandaan ito.” Ani Umali.
Heneral Luna
Ikinalugod naman ng Kagawaran ang pagbabalik ng interes ng mamamayan sa mga bayani ng bansa sa pamamagitan ng pelikulang Heneral Luna.
Inihayag ito ni Umali sa kabila ng pagpuna ng Pangulong Aquino sa paraan ng pagtuturo ng kasaysayan ng mga paaralan sa mga estudyante.
Lumalabas na may mga estudyante pa ring hindi nakakakilala sa ating mga bayani tulad ni Apolinario Mabini makaraang may mga magtanong kung bakit nakaupo lamang ito sa kabuuan ng pelikulang Heneral Luna.
Ayon kay Umali, bagamat hindi puwedeng mag-endorso ang DepEd ng pelikula, may mga paraan pa rin aniya upang maitulak ang panunuod ng pelikulang Heneral Luna sa mga estudyante.
“Meron po kaming proseso we call it DepEd advisory, we don’t endorse, it’s just like an announcement that a nice film is being shown that is very helpful for our children. Ito pong Heneral Luna ay ako po ay natutuwa at napag-uusapan po ito, ‘yung interes ng ating mga kababayan sa ating mga bayani ay nanumbalik, puwede po nating sabihin.” Pahayag ni Umali.
By Len Aguirre | Ratsada Balita