Tutol ang NAFTAC o National Federation of Tobacco Farmers Association and Cooperatives sa nakatakdang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa executive order sa smoking ban sa mga pampublikong lugar sa bansa.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni NAFTAC President Mario Cabasal na malaking dagok sa hanay ng mga magsasaka ang naturang hakbang.
Binigyang-diin ni Cabasal na kapag lumiit ang kita ng mga manufacturer ng sigarilyo, tiyak na liliit din ang kanilang kita.
Dahil dito, nanawagan si Cabasal kay Pangulong Duterte na huwag ituloy ang implementasyon ng nationwide smoking ban na aniya’y tila pagpatay sa industriya ng tabako sa bansa.
“Hiling po namin sa mahal na Pangulo na huwag sanang ituloy ang smoking ban para hindi po kami maapektuhan, kaming mga magsasaka, kami pong naghahanap-buhay sa industriya ng tabako. Sana mabigyan tayo ng pagkakataon na maihayag ang ating saloobin, sana’y isipin din ang pangangailangan naming mga tobacco farmers at sana’y suportahan kami para hindi maapektuhan ang aming kabuhayan.” Pahayag ni Cabasal
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview) | AR