Hinamon ng Malacañang ang ilang grupo na patunayan ang umano’y pang-aabuso ng militar sa Mindanao sa ilalim ng umiiral na Martial Law.
Sa harap na rin ito ng pahayag ng Integrated Bar of the Philippines- Lanao Chapter na may nagaganap umanong pang-aabuso sa implementasyon ng Batas Militar sa buong Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi kinukunsinti ng mga administrador ng Martial Law ang anumang uri ng pang-aabuso ng militar at pulisya dahil mahigpit ang tagubilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag abusuhin ang Batas Militar.
Hinikayat ni Abella na dapat magsampa ng kaso sa korte ang mga biktima ng Martial Law abuse para maimbestigahan at maparusahan ang may sala.
Ipinabatid ng opisyal na mag-iimbestiga rin ang ehekutibo kaugnay sa naging pahayag ng IBP-Lanao para mabatid ang katotohanan sa likod ng umano’y pang-aabuso sa Martial Law sa Mindanao.
By Meann Tanbio | with report from Aileen Taliping (Patrol 23)
Paratang na pag-abuso sa Martial Law patunayan—Palasyo was last modified: June 24th, 2017 by DWIZ 882