Itinanggi ni Department of Justice o DOJ Secretary Vitaliano Aguirre ang alegasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na hindi umano siya interesado sa kaso ng 6.4 billion pesos na shabu shipment na nakapuslit sa Bureau of Customs (BOC) noong Mayo.
Ayon kay Aguirre, totoong abala siya sa maraming bagay bilang pinuno ng DOJ, ngunit aniya, para sabihin na hindi niya ginagawang prayoridad ang kaso ng napuslit na iligal na droga ay puro haka-haka lamang umano ito.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan na aniya ng DOJ ang kaso makaraang maghain ng mga kriminal na reklamo ang PDEA at NBI laban sa mga sinasabing sangkot sa nasabing kontrabando.
Bukod pa aniya ito sa inisyung immigration lookout bulletin order ng DOJ laban sa ilang mga respondent sa naturang shabu shipment.
Sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee, makikitang parang mistulang ipinaubaya na umano ni Aguirre sa kanyang mga deputy ang kaso dahil siya ay abala sa maraming trabaho.