Na-hulicam ng isang concerned citizen sa Singapore ang nakadidismayang pagtrato ng mga deliveryman sa kanilang inihahatid na parcels.
Sa video, makikita ang tatlong lalaking nakatayo sa isang parking lot na nagsasalansan ng mga parcel. Ngunit mapapansing basta-basta lamang nila itong itinatapon na tila walang pakialam sa items na nasa loob nito.
Maraming netizen ang nagalit sa napanood na video. Anila, nasisira ang kanilang inorder na items dahil sa kapabayaan ng mga deliveryman.
Ang ilan naman, idiniing nagbabayad sila ng shipping fee, kaya tama lang na alagaan ang kanilang mga parcel.
Ngunit ipinunto ng iba na hindi naman mahal ang overseas shipping fee, at minsan pa nga ay libre, kaya huwag umasang makakatanggap ng premium service.
Naiintindihan din ng ibang netizen ang ginawa ng mga deliveryman dahil kailangan nilang mabilis na maihatid ang mga package.
Paliwanag pa ng ilan, mas malala ang pinagdadaanan ng mga parcel sa mga warehouse.
Bagama’t hindi tama ang ginawa ng mga lalaki sa video, dapat mas bigyang-pansin ang mga isyu sa logistics, katulad ng labor shortage at mababang pasahod sa mga deliveryman. Dahil kung maayos ang kanilang operasyon, matitiyak din nating maayos na maihahatid sa atin ang pinakahihintay nating parcels.