Ligtas at nagpapagaling na lamang sa ospital ang isang Pari matapos tambangan ito sa Barangay 3, lungsod ng Calamba, lalawigan ng Laguna.
Kinilala ng Calamba City PNP ang biktima na si Fr. Rey Urmeneta na dating direktor ng PNP Chaplain Service sa KAMPO crame na ngayo’y nakatalaga sa Parokya ng San Miguel Arkanghel sa nasabing lugar.
Ayon kay S/Supt. Rossel Cejas, hepe ng Calamba PNP, mag-a-alas 10:00 kahapon ng umaga ng bigla na lamang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang pari na nakasakay sa kaniyang sasakyan.
Agad tumakas ang mga suspek matapos maisagawa ang krimen habang masuwerte namang nakaligtas ang personal secretary ni Fr. Urmeneta na si Remedios de Belen.
Nakatakda sanang dumalo sa isang pulong sa simbahan si Fr. Urmeneta nang mangyari ang krimen.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente habang tinitingnan naman kung may kinalaman sa pautang ng pari ang motibo sa pamamaril.
Si Fr. Urmeneta na ang ikatlong pari na biktima ng pananambang, sunod kina Fr. Mark Ventura na napatay sa Cagayan nuong Abril gayundin si Fr. Marcelito Paez na nabaril at napatay din sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija nuong Disyembre ng isang taon.