Ikukunsulta ng Malacañang sa legal advisers at kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez kung dapat o hindi dapat lumagda ang Pilipinas sa 2015 Paris Climate Agreement.
Ito ang inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos pabulaanan na tinanggihan niya ang climate agreement.
Ayon sa Pangulo, kapag nakuha niya ang rekomendasyon ng kanyang legal advisers at ni Lopez ay saka siya bubuo ng desisyon na makakabuti hindi lang sa kalikasan kundi maging sa ekonomiya ng bansa.
Una nang ipinaliwanag ni Duterte na ang mga pahayag niya laban sa climate agreement ay pananaw at agam-agam lamang niya dahil baka makaapekto ang climate deal sa pagpasok ng mga investors sa bansa.
Sa ngayon pumapalo na sa 175 mga bansa ang lumagda sa 2015 Paris Climate Agreement na naglalayong makontrol ang global warming sa pamamagitan ng pagbabawas ng paggamit ng fossil fuels.
Matatandaan na binatikos ni dating Pangulong Fidel Ramos ang tila pagbasura ni Duterte sa Paris Climate Agreement.
Sinundan pa ito ng pagbibitiw ng dating Pangulo bilang special envoy sa China na tinanggap naman ng Pangulong Duterte.
By Len Aguirre