“Para sa kanila muna bago ako.”
Ito ang mga binitiwang salita ni Filipina boxer Nesthy Petecio matapos ibigay sa kanyang kapatid ang pabuya na house and lot.
Sa isang roundtable media conference na ginanap sa Taguig kamakailan, ibinunyag ni Petecio na napunta sa kanyang mga kapatid ang lahat ng house and lot na natanggap niya mula sa pagkapanalo ng silver medal noong 2020 Tokyo Olympics.
Para kay Petecio, mahalaga ang kapakanan ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang ina at kapatid na may Down Syndrome. Dahil dito, bukas-loob niyang ibinahagi sa kanila ang mga premyong nakuha niya mula sa boxing, kabilang na ang mula sa katatapos lamang na 2024 Paris Olympics kung saan niya nasungkit ang bronze medal.
Ayon sa Filipina boxer, para sa kanyang pamilya ang lahat ng mga natatanggap niyang pabuya at hindi niya umano ito ipagdadamot sa kanila.
Gayunman, plano niyang i-invest sa lupa at negosyo ang natanggap niyang incentives upang maging maginhawa ang kanyang pagreretiro sa pagiging atleta.
Pangarap lamang ni Petecio ang magkaroon ng simpleng buhay sa probinsya kasama ang kanyang pamilya, at ayaw niyang malayo sila sa isa’t isa. Sabi nga niya, “Simple lang ang reward ko—maging kumpleto kami.”