Isinulong ng isang mambabatas ang panukalang i-require ang pagkakaroon ng parking space o garahe, bago bumili at makapagparehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).
Sa House Bill 31 ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco, tinukoy nito ang ilang lugar sa bansa na dapat ipatupad ang batas.
Kabilang dito ang Metro Manila, Angeles City, Cebu, Bacolod, Baguio, Batangas City, Cagayan de Oro, Dagupan City, Davao City, Iloilo City, Naga City at Olongapo City.
Ang mga nabanggit na lugar ay nakitaan ng traffic congestion o pagsikip ng daloy ng trapiko kaya napili ang mga ito na tutukan sa panukala.
Oras na maisabatas, obligado na ang LTO na beripikahin kung ang aplikante ay nakasunod sa requirement.
Sakaling bigong makasunod, sususpindihin ito ng tatlong buwan at kapag iligal na nakapagparehistro ay babawiin ang kaniyang lisensya at pagmumultahin ng 50,000 pesos. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)