Balik na online ang parody twitter account ng komedyanteng si Ethel Booba na may username na @iamethylgabison.
Ito ay makaraang mag-deactivate ito ng ilang araw matapos namans i-disown ni Ethel Booba ang nabanggit na twitter account.
Makikitang mayroon na itong bagong pangalan na fake Ethel Booba, bagong profile picture at cover photo ng salitang “charot” na pinasikat nito tuwing nagtu-tweet.
Nakalagay na rin sa bio nito na nagsimula ito bilang parody account hanggang sa inangkin ito ni Ethel sa pagharap sa national TV.
Una nang isiniwalat ni Ethel na hindi kanya ang nabanggit na account at tinawag niya pang fake.
Paliwanag ng komedyana, pinayagan niyang gamitin siya ng administrator ng nabanggit na twitter account noon kahit hindi sila magkakilala ng personal.
Pero nagpasiya na aniya siyang dumistansiya dito at amining hindi kanya ang account dahil masyado nang nakatuon sa politika ang mga tweet nito.