Itinuturo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang napatay na alkalade ng Ozamiz City na si Reynaldo Parojinog Sr. bilang isa sa mga nagpondo sa pagsalakay ng Maute-ISIS group sa Marawi City.
Sa kanyang ika-limang pagbisita sa Marawi City, ipinakita ni Pangulong Duterte ang isang piraso ng papel na aniya’y matrix ng mga politikong nagpondo sa Maute-ISIS group.
Hindi isiniwalat ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga pangalan na nasa listahan at sa halip ay itinupi ito at tanging pangalan lamang ni Parojinog ang ipinakita.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na bukod kay Parojinog ay ilan pang mga pulitiko sa Central Mindanao at mga drug lords ang nagbinigay ng pondo sa Maute group batay na rin sa impormasyong nakuha ng militar.
Magugunitang, inihayag noon ni Pangulong Duterte na mga pera mula sa iligal na droga ang pinanggagalingan ng pondo ng Maute terror group.
—-