Ibinunyag ng Bureau of Corrections na pinoproseso na nila ang posibleng pagbibigay ng parole kay Mary Jane Veloso.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., kinakalkula na nila ang taong ginugol ni Veloso sa pagkakakulong sa indonesia at ang good conduct time allowance nito.
Hinihintay din aniya nila ang transcript ng mga dokumentong ibinigay sa kanila ng Indonesian authorities kaugnay sa pagpapalaya kay Veloso upang maunawaan ito dahil indonesian ang ginamit na lenggwahe sa dokumento.
Tiniyak ni Director General Catapang na binibilisan na nila ang proseso hinggil sa nasabing usapin, at posible aniya itong maresolba bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nabatid na ikinulong ng 14 na taon si Veloso sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking ngunit pinahintulutan ng pamahalaan ng Indonesia ang pagpapabalik sa kanya sa Pilipinas noong December 2024. – Sa panulat ni John Riz Calata