Sasagutin na ng Partas transportation ang gastos sa pagpapagamot ng mga pasaherong nasugatan at nakatakdang mag – alok ng tulong pinansyal sa pamilya ng mga nasawi sa salpukan ng kanilang bus at isang jeep sa Agoo, La Union noong Pasko.
Tiniyak ng Partas legal counsel sa ngalan ni Atty. Joanne Lenny Mosquera na operational ang kanilang kumpanyang kahit mayroong preventive suspension order na ibinigay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Gayunman, humingi ng pang – unawa si Mosquera sa kanilang mga kustomer dahil sa mga antala na maaaring maranasan lalo sa kanilang biyahe mula Sampaloc, Maynila hanggang Pagudpud, Ilocos Norte at pabalik.
Nilinaw din ni Mosquera na ang bus unit ng Partas ang sinalpok ng jeep na nag – overtake at kahit pumepreno na ang bus driver ay nabigo itong makaiwas sa salpukan.
Nagsasagawa na din ng sariling imbestigasyon ang bus firm at nangangalap ng karagdagang impormasyon at dokumento sa tulong ng LTFRB at iba pang ahensya.