Ipinatupad na ngayong araw ang partial lockdown sa CCP Complex sa Pasay City.
Sakop ng lockdown ang PICC o Philippine International Convention Center at Hotel Sofitel.
Itoy kung saan lahat ng mga kalsadang nakapalibot sa mga apektado ng lockdown ay hindi madaraanan ng mga motorista maliban na lamang sa mga delegado ng ASEAN Summit.
Samantala, pagsapit naman ng alas-10:00 ng gabi ng Nobyembre 11 ay ipatutupad ang complete lockdown sa palibot ng SMX sa Pasay City habang complete lockdown na rin ang ipatutupad sa CCP Complex sa Nobyembre 12.
Last convoy dry run
Naging matagumpay naman ang huling convoy dry run para sa gagawing 31st ASEAN Summit sa bansa.
Hatinggabi kanina nang magsimula ang dry run na nagsimula sa Clark, Pampanga papunta ng Pasay City.
Siyam na convoy ang tumawid mula sa southbound lane ng NLEX na tumagal hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Spokesperson Celine Pialago, naging banayag ang daloy ng convoy lalo’t kakaunti lamang ang mga sasakyan nang isagawa ang dry run.
Inaasahan din ng MMDA na magiging ganito rin ang volume ng mga sasakyan sa mismong araw ng ASEAN Summit dahil deklaradong special non-working holiday ang November 13-14.