Nagpatupad na ng partial operations ang LRT-2 na ilang araw ring nagsara matapos masunog ang dalawang rectifiers nito.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, spokesman ng Light Rail Transit Authority (LRTA), limitado sa limang tren ang bibiyahe mula lamang sa Cubao hanggang Recto Station at pabalik.
Magsisimula anya ang operasyon ng 6 a.m. at bibiyahe ang huling tren mula sa Cubao ng 8:30 p.m., samantalang 9 p.m. naman ang huling biyahe mula sa Recto.
Sinabi ni Cabrera na asahan na ang mas mabagal na tren at mas mahabang pag-aantay ng susunod na biyahe sa partial operations ng LRT-2.
Una nang sinabi ni Cabrera na isasara ng siyam na buwan ang mga istasyon ng Santolan, Katipunan at Anonas para sa repair.