Target ng pamahalaan na magkaroon na ng kahit partial resolution ang Maguindanao massacre sa susunod na taon.
Ayon kay Undersecretary Joel Egco ng Presidential Task Force on Media Security, pinag-usapan sa pulong ng Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya ng mga biktima sa Maguindanao massacre kung paano bibilis ang pag-usad ng kaso.
Sinabi ni Egco na ipinaliwanag ng Pangulo sa pamilya ng mga biktima na bilang isang dating prosecutor, naunawaan niya kung bakit inabot na ng walong taon ay wala pang nakukuhang hustisya para sa mga napatay noong November 23, 2009 sa Maguindanao.
Matatandaan na 58 katao na kinabibilangan ng mahigit sa 30 miyembro ng media ang pinatay at tinangka pang ilibing sa isang bakanteng lupain sa Maguindanao.
Sa 190 suspects, pitumpu (70) na rito ang pinayagang makapagpiyansa dahil sa kakulangan ng ebidensya kabilang ang isa sa pangunahing suspect na si Datu Sajid Islam Ampatuan.
Apat ang sumakabilang buhay na habang nakakulong kabilang ang isa pa sa primary suspect na si dating Governor Andal Ampatuan Sr. samantalang 102 ang nananatiling sa kulungan kasama sina Andal Ampatuan Jr. at Zaldy Ampatuan.
“Huwag po kayong mainip dahil ganun po talaga ang ikot ng hustisya, kaya sabi niya sa totoo lang makapagpakulong lang tayo ng mga tatlong principal suspects na talaga panalo na po tayo doon.” Pahayag ni Egco
(Balitang Todong Lakas Interview)