Hindi kinikilala ng mga supporter at ilang kaanak ni yumaong Senador Miriam Defensor-Santiago ang pasya ng People’s Reform Party (PRP) na suportahan ang posibleng kandidatura sa pagka-pangulo ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022.
Kabilang sa mga umalma ang Youth Reform Movement Incorporated, isa msa grupong nag-boluntaryong sumuporta sa presidential bid ni Defensor-Santiago noong 2016 elections.
Ayon kay Julius Romel Fernandez, secretary-general ng naturang grupo, taumbayan partikular ang kabataan ang may karapatang magpatuloy sa adbokasiya ng pagbabago at pamumuno ng dating mambabatas.
Kinuwestyon naman ni Paula Knack Defensor, nakababatang kapatid ng senador, kung anong mga babaguhin o ipatutupad na reporma ni duterte-carpio kung magiging bahagi ng PRP.
Isa na rin anyang ghost party ang PRP dahil bakante na ang kanilang opisina habang nag-alisan na ang kanilang mga regional organizer at hindi ikakampanya ng mga ito ang presidential daughter.
Iginiit ng nakababatang Defensor na magka-iba ang ideyalismo ng administrasyon sa partidong itinatag ng kanyang ate at ito ay ang magpatupad mga reporma sa pamahalaan at laban ang korapsyon. —sa panulat ni Drew Nacino