Hindi pahihintulutan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magkaroon ng partisipasyon ang Indonesian forces sa pag-rescue sa 10 nilang kababayan na binihag ng Abu Sayyaf at pinaniniwalaang itinatago ngayon sa Sulu.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla, labag sa Saligang Batas ang pag-operate ng foreign forces sa bansa lalo na kung wala aniya itong treaty o kasunduan.
Tiniyak ni Padilla na sapat naman ang kakayahan ng militar kaya’t wala na aniyang pangangailangan para sa intervention mula sa foreign forces.
Una rito, nag-alok ng tulong ang Indonesian officials sa AFP at PNP para tugisin ang mga bandidong grupo na bumihag sa 10 Indonesian tugboat crewmen.
Tawi-Tawi Police
Kinumpirma ng Tawi-Tawi Police na nakipag ugnayan na sa kanila ang mga opisyal ng Indonesia kasunod ng pagdukot sa 10 nitong mamamayan.
Ayon sa Tawi-Tawi Police, nananatili din sa kanilang kustodiya ang tugboat na sinakyan ng mga Indonesian bago sila dukutin.
Sinabi ng pulisya na bagamat nakakordon na ito sa Languyan Port, nalimas naman na ng mga bandido ang mahahalagang gamit sa tugboat.
By Ralph Obina | Katrina Valle | Jonathan Andal