Nagbigay ng paglilinaw ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga ulat na pumayag ang Pilipinas na makapasok sa teritoryo ng bansa ang Indonesian Army para tumulong sa pagtugis sa Abu Sayyaf.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, sa ilalim ng 1975 Border Patrol Agreement, hanggang sa tinatawag na territorial sea lamang ng Pilipinas puwedeng mag-operate ang Indonesian military forces.
Ibig sabihin anya, tanging ang mga sundalo at pulis lamang ng Pilipinas ang puwedeng mag-operate sa loob ng kalupaan at hanggang sa 12 nautical miles mula sa kalupaan.
Ayon kay Padilla, hot pursuit operations lamang ang puwedeng isagawa ng military forces ng Indonesia, nangangahulugan na hindi na sila puwedeng mag-operate sa sandaling nadala na sa kampo o kuta ng Abu Sayyaf o ng mga pirata ang kanilang mga biktima.
Tinukoy ni Padilla ang pitong Indonesian sailors na hawak ngayon ng Abu Sayyaf na hindi na anya puwedeng tugisin ng Indonesian military dahil posibleng nadala na ang mga ito sa kuta ng mga bandido.
By Len Aguirre