Kinuwestiyon ni Manila Rep. Joel Chua ang pagbili ng grab ng stock shares ng Move It’s at sinabing nilabag nito ang naunang utos ng Department of Transportation (DOTr) Techinical Working Group (TWG) na wakasan ang partnership ng dalawang kumpanya.
Sa kamakailang pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, kung saan si Chua ang vice chairman, sinabi niya na ang pagbabawal ay ginawa dahil ang partnership ay gagawing “de facto fourth player” ang Grab sa motorcycle taxi pilot program ng gobyerno.
Nag-ugat ang order sa mga reklamo ng ilang transport at consumer groups na ang pagkuha ng grab ng Move It ay paraan ng grab para makapasok sa programa sa pamamagitan ng “back door.”
Sinabi ng legal counsel ng Move It na si Ada Albana na hindi nilabag ng Grab at Move It ang utos dahil winakasan nila ang partnership noong 2021 sa sandaling mabigyan sila ng mga panuntunan.
Sinabi ni Albana na ang nangyari noong Agosto 2022 “ay ang pagkuha lamang ng shares ng Move It.”
Gayunman, patuloy na kinuwestiyon ni Chua ang hakbang, at sinabing lumalabag pa rin sa direktiba ng TWG ang naturang share acquisition. —mula sa panulat ni Hannah Oledan