Itinuturing na sumpa sa Pilipinas ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza ang pagpasa ng death penalty bill sa Kamara.
Sa panayam ng programang “Balitang Todong Lakas”, sinabi ni Atienza na higit 80 porsyento ng mga Pilipino ay Katoliko ngunit nakakalungkot aniya na hindi natin napanindigan ang ating pananampalataya.
Idinagdag ni Atienza na ang ginawang pagpasa ng mga mambabatas sa parusang bitay ay pagpupuwersa na lamang at hindi pagsunod sa alituntunin at tradisyon ng Kongreso.
“Anong ginawa nilang klaseng botohan, hindi kami pinagsalita bago kami bumoto, bago magbotohan kailangan payagang magsalita ang majority at minority, mangungumbinse ka sa malayang paraan, yun ang practice, yan ang tradition, bago pa mag-Martial Law ganyan na ang ginagawa ng Kongreso, ngayon hindi sinunod yun, ang botohan taasan lang ng daliri. Nominal voting, dapat marinig ang boses ninyo, eh hindi eh.” Ani Atienza.
Kaduda-duda din aniya ang botong inanunsyo kaugnay sa mga pumabor at hindi sa death penalty bill.
“216 daw ang bumoto in favor, 54 lang ang against that’s 270 plus 1 abstention, 271 eh bakit naging 271 ang boto eh 257 ang sumagot sa roll call? Saan nanggaling ang 11 boto? Kapag ganyan ang sistema talagang hindi mo matatanggap na tama ang nangyari, mali ang nangyari.” Dagdag ni Atienza
Sa kabila nito nananatiling positibo si Atienza na hindi lulusot sa Senado ang parusang bitay, kung sakali man aniya nakahanda din silang iakyat ang pagkontra dito sa Korte Suprema.
“Hindi ako gi-give up ako’y umaasa sa Senado, makikipag-ugnayan tayo at ipaliliwanag natin ang bunga nito, ngayon kung makalimot din sa sarili ang mga senador, ay meron pang Korte Suprema na dudulugan natin, it’s unconstitutional and we have good reasons to say that.” Pahayag ni Atienza
Minaliit din ni Atienza ang rason na death penalty lang ang makasasagot sa problema sa krimen, korupsyon at droga sa Pilipinas.
“Ang basis na ginamit nila eh compelling reason daw ang batas na ito, tatanggapin ba natin na wala na tayong magagawa to fight corruption, criminality and drug problem? I don’t think it’s a compelling reason, it is a made up reason just to fulfill what they want to reimpose the death penalty on us.”
Sa huli, pinapurihan ni Atienza ang mga kapwa kongresista na nanindigan, nagkaisa at bumoto laban sa parusang kamatayan.
“May mga naiiwan pa tayong Congressmen na nag-iisip, may konsensya at mayroong nagagawang kabutihan para sa ating bayan. Ikinatutuwa natin na kapuna-punang ang naging malalaking lider ay minabuti nilang bumoto kontra sa batas, definitely, they stand on respecting life of the Filipinos, nakakahanga sila. Kagabi nakita natin sino ang mga leader, sino ang mga dealer, sino ang halal na tunay at sino ang mga hangal.” Pahayag ni Atienza
Ni-railroad?
Dumaan sa tamang proseso ang pagpasa sa parusang kamatayan.
Ito naman ang sagot ni Congressman Reynaldo Umali na isa sa mga co-author ng death penalty bill sa Kamara sa akusasyong ni-railroad ang pagpasa sa nasabing batas.
Sa panayam ng programang “Balitang Todong Lakas”, sinabi ni Umali na ang mga kongresistang kumokontra sa panukalang bitay ang nagpahirap sa proseso.
“Dati noon tuluy-tuloy na ang debate at pumayag na ang majority, sila naman nung magde-debate na eh ang hinayaan lang nilang makapag-debate ay isang interpellator at kukuwestyunin na nila ang quorum, kaya hindi matuluy-tuloy ang malayang debate, yung itinatanong ng interpellator ay pareho-pareho din, mga issues na nasagot na. Sana kung hinayaan nilang tumakbo ang debate, kung 50 sila sana na-cover natin, handa tayo sa malayang debate, pero paano namang matatapos yun na ang nag-iinterpellate ay isa kada isang hearing ang nagsasalita.” Ani Umali
Binigyang diin ni Umali na kitang-kita ang malaking suporta na nakuha ng death penalty sa mayorya ng mga kongresista.
“Nung 2nd reading at 3rd reading makikita mo na formed na ang desisyon ng mga miyembro, nakita natin na hanggang 20 porsyento lang ang botong makukuha nila. Hindi natin ni-railroad ginawa lang natin ang tama. We always present two sides at sa majority malinaw na malinaw yun.” Dagdag ni Umali
Sa pahayag naman na iaakyat sa Korte Suprema ang pagkontra sa parusang bitay sinabi ni Umali na malaya ang sinuman na gawin ang hakbang.
“Ang reimposition ng death penalty is not a new thing, it has been tested before, ginawa yan noong 1993, nagpasa ng batas, pumasa ang batas, kinuwestyon sa SC, sinustain ng SC, so this is nothing new, hindi kami nababahala.” Pahayag ni Umali
Umaasa din si Umali na papabor ang Senado sa pagpasa sa death penalty bill.
“We expect thay will also favorably work on it and approve it, marami pa tayong gagawin kasi hindi lang naman death penalty ang sagot sa problema natin, marami pa tayong repormang gagawin sa justice system natin, rationalization of the legal framework, organizational support para masiguro natin na ang hustisya ay tunay na makamtam ng ating mga kababayan.” Pahayag ni Umali
By Aiza Rendon | Balitang Todong Lakas (Interview)